Rainwater Harvesting sa Kasalukuyan
Sa bansang madalas makaranas ng malubhang pag-ulan at kakulangan sa tubig, malaki ang potensyal na makatulong ang rainwater harvesting sa pang-araw-araw na buhay. Ano ba ang kasalukuyang kalagayan nito sa Pilipinas?
Rainwater Harvesting (RWH) Feature
Ginhawa Garden, Atis Compound, Barangay Potrero, Malabon City
Ang Rainwater Harvesting System sa Ginhawa Garden ng Barangay Potrero nagsisilbing sustainable na pinagkukunan ng tubig pandilig at reserbang suplay tuwing may kakulangan sa lugar.
Ang tubig-ulan na kinokolekta sa bubong ay dinadala patungo sa isang storage tank, kung saan ito ay dumaraan sa isang filtration system bago tuluyang iniipon. Ito ay donasyon ng Maynilad noong Agosto 2023 at kasalukuyang mine-maintain ng Barangay Potrero Ladies’ Brigade.
Sitwasyon ng RWH
May isinagawang pag-aaral ang Bawat Patak team noong Agosto 2025 tungkol sa pananaw ng mga residente ng Malabon sa rainwater harvesting. Sa pamamagitan ng isang literature review at panayam sa walong residente, nahanap ng team na:
Sa kabila ng malakas at madalas na pag-ulan taon-taon, nananatiling banta ang kakulangan sa tubig para sa mga Pilipino.
Kabilang ang Pilipinas sa mga bansang inaasahang magiging “water-stressed” pagsapit ng 2040, kung saan ang mataas nitong water stress level ay nangangahulugang 40% hanggang 80% ng kabuuang suplay ng tubig sa bansa ang maaaring maubos sa susunod na dekada at kalahati.
Baclig, C. E. (2022, March 24). Rising water stress: Water sources dry up, flood risks rise | Inquirer News. INQUIRER.net.
https://newsinfo.inquirer.net/1572616/rising-water-stress-water-sources-dry-up-flood-risks-rise
Maraming mga factor ang nagiging hadlang sa maayos na pag-implement ng rainwater harvesting.
Ayon sa pag-aaral, ang mga pangunahing hadlang sa pag-implement ng rainwater harvesting ay ang hindi pagkakaroon ng pangkalahatang design standards, kakulangan sa datos, mababang kamalayan, at marami pang iba.
Lumbera, M. P., Cruz, M. L., and Junio, J. (2023). Issues, challenges, and strategies for theimplementation of roof-based rainwater harvesting systems in the Philippines. AIP Conf. Proc. 2785(1). https://doi.org/10.1063/5.0147972
Nag-dodonate ang Maynilad ng mga rainwater collection facilities sa iba’t ibang lungsod sa Pilipinas.
Kabilang dito ang mga donasyon ng Maynilad sa mga lungsod ng Malabon, Maynila, Pasay, Bacoor, at sa mga munisipalidad ng Teresa at Morong sa Rizal.
Maynilad. (2024). Maynilad donates rainwater harvesting facilities to communities. Maynilad Water Services, Inc. https://www.mayniladwater.com.ph/maynilad-donates-rainwater-harvesting-facilities-to-communities/
Karamihan sa mga ininterview na mamamayan ng Malabon ay ‘di pamilyar sa term na rainwater harvesting.
Kinilala lamang ng ilang residente ang praktis matapos itong ipaliwanag sa kanila. Binigyang-diin rin ng isang residente na hindi pa siya nakakita ng anumang ulat tungkol dito.
Sa lungsod ng Malabon, kakaunti pa lamang ang mga rainwater harvesting unit na naipapatayo ng kanilang LGU.
Ayon sa mga Facebook post ng Malabon City LGU, apat lamang na rainwater harvesting systems ang na-implement kamakailan lamang, at kakaunti ang ebidensya ng mga inisyatiba ng pamahalaan maliban sa mismong pag-install nito.
Karapatan natin sa tubig-ulan
Ayon sa RA 6716, bawat barangay sa Pilipinas ay kailangan magkaroon ng sariling rainwater harvesting system. Mahigit tatlumpung taon na ang lumipas mula nang maisabatas ito ngunit hindi pa rin ito ganap na naipatutupad.
Bawat Patak Docuseries
Ang Malabon ay isang lungsod na may komplikadong relasyon sa ulan; ito ay parehong istorbo at nagbibigay-buhay sa mga residente. Sa docuseries na ito, tuklasin ang kasalukuyang estado ng ulan sa Malabon at kung paano umaakma ang rainwater harvesting sa sitwasyon ng mga residente.
EPISODES
01
Bunsod ng Patak
Ang pakikipagsapalaran sa ulan ay paghihirap na hindi maiiwasan ng isang Malabueño, ngunit kailangan ba na abala lang ito? O may kakayahan ba itong makatulong sa pamumuhay natin?
02
Patak ng Pag-asa
Sa Malabon, bagama’t ang ulan ay nakakasagabal sa buhay ng mga residente, ito rin ay nakikita bilang biyaya. Kilalanin ang rainwater harvesting—isang simpleng paraan upang mapakinabangan ang tubig-ulan sa ating tahanan.
03
Pag-asa sa Bawat Patak
Ang rainwater harvesting ay may kakayahang maging maging praktikal na solusyon hindi lamang sa tahanan, kundi para na rin sa mga komunidad.
Ang galing! Pwedeng pwede pala natin pakinabangan ang ulan