Ano ang RA 6716?

Noong 1989, ipinasa ang RA 6716 o ang Rainwater Collector and Springs Development Act of 1989 upang matiyak na bawat barangay sa Pilipinas ay magkakaroon ng sariling pasilidad para sa pag-iipon ng tubig-ulan. Mahigit tatlumpung taon na ang lumipas ngunit hindi pa rin ganap na naipatutupad ang batas at kaunti lang ang nakakaalam na may karapatan tayong mangolekta at gumamit ng tubig-ulan.

Note: Ililipat ka nito sa labas ng Bawat Patak website.

Bawat patak ng tubig, ating pakinabangan

Sa bawat pag-ulan sa bansa, umaagos ang libo-libong litro ng tubig patungo sa mga kanal. Sa isang bansang taun-taong dinarayo ng matinding pag-ulan ngunit siya ding patuloy na dumaranas ng kakulangan sa tubig, ang hindi wastong paggamit ng tubig-ulan ay isang malinaw na pag-aaksaya.

Subalit higit sa lahat, ang mas nakakabahala ay matagal nang may nakahandang solusyon para dito. Sa ilalim ng Republic Act 6716, may karapatan ang bawat Pilipino na makinabang mula sa mga rainwater harvesting system na dapat ay itinatayo at pinangangasiwaan ng pamahalaan. Gayunman, higit tatlumpung taon matapos itong maipasa, nananatili itong hindi alam ng publiko.

“Sa panahon ng tagtuyot, matinding ulan, at tumataas na pangangailangan para sa tubig, ang pag-alam at pag-unawa sa RA 6716 ay unang hakbang tungo sa pagbawi sa mga solusyong ipinangako nang matagal na.

RA 6716

Ang RA 6716 o Rainwater Collector and Springs Development Act of 1989 ay nag-aatas na ang bawat barangay sa Pilipinas ay magkakaroon ng pasilidad para sa pag-iipon at paggamit ng tubig-ulan. Layunin ng batas na:

  • Gawing matatag ang suplay ng tubig
  • Itaguyod ang sustainability
  • Bawasan ang pag-depende sa mga water utility

Memorandum Circular 2017-76

Upang higit na pagtibayin ang mandato ng batas, naglabas ang DILG ng Memorandum Circular 2017-76 na nag-uutos sa mga LGU na:

  • Isama ang rainwater harvesting sa kanilang mga development plans
  • Maglaan ng pondo para sa pagpapatayo at pagpapanatili ng pasilidad.

 

Ayon sa batas, kung naipatupad nang maayos ang RA 6716, dapat ay mayroong hindi bababa sa 100,000 rainwater collectors at catchment areas sa iba’t-ibang bahagi ng bansa pagsapit ng 1991. 

Ngunit, sa kasalukuyan…

Malaki pa rin ang puwang sa pagpapatupad. Ang mababang kaalaman ng publiko, kakulangan sa budget prioritization, at mahinang pagpapatupad. Subalit, iilan pa lamang ang mga barangay na mayroong rainwater harvesting system. Maraming proyekto ang nanatiling demonstration sites, prototype na hindi natuloy, o mga pasilidad na napapabayaan. Sa katunayan, karamihan sa mga mamamayan ay walang alam tungkol sa RA 6716.

Ang pag-alam at pag-unawa sa RA 6716 ay nagbibigay kapangyarihan sa mga komunidad upang maningil, magtanong, at ipaalala sa pamahalaan ang karapatan sa pagkakaroon ng rainwater harvesting systems. Sa panahon ng tagtuyot, matinding ulan, at tumataas na pangangailangan para sa tubig, ang pag-alam at pag-unawa sa RA 6716 ay unang hakbang tungo sa pagbawi ng matagal nang ipinangakong solusyon. 

Bawat patak ay may halaga, at karapatan nating ipaglaban na wala nang masayang pa.

Paano ka makaka-suporta sa Rainwater Harvesting sa iyong komunidad?

Simulan sa simpleng pag-uusap

Ikwento sa iyong pamilya, kaibigan, at kapitbahay ang tungkol sa pag-iipon ng tubig-ulan. Ipaliwanag kung paano ito nakakatulong sa pagtipid ng tubig, pagbabawas ng baha, at kung bakit mahalaga itong itaguyod lalo na’t may umiiral na batas na RA 6716.

Hikayatin ang iyong komunidad na alamin pa ang tungkol dito. Ibahagi ang Bawat Patak!

I-share ang page na ito

Makipag-ugnayan sa inyong barangay

Isang konkretong paraan para makatulong ay ang pagsulat ng liham sa barangay hall upang ipanukala o suportahan ang pagtatayo ng mga pasilidad para sa rainwater harvesting. Maaari mong gamitin ang aming template para maihayag nang maayos ang iyong mensahe. I-submit ito at mag-follow up para malaman kung may mga hakbang o programang sisimulan ang inyong barangay.